|
Tahasang sinabi kahapon ni Supreme Court
(SC) Chief Justice Reynato Puno na malayung-malayo na ang sitwasyon ng
Pilipinas noong panahon ng giyera sa kasalukuyan ngunit
nakakapagtakang marami pa rin ang nagugutom na mga kababayan.
Sa kanyang talumpati sa Presidential Lecture Series sa University of
the Philippines Los Baños (UPLB), kinumpara ni Puno ang sitwasyon ng
hustisyang panlipunan na umiiral sa bansa sa kasalukuyan sa panahon ni
dating Pangulong Jose P. Laurel, na siyang paksa niya bilang guest
speaker.
Iginiit ni Puno na magkaibang-magkaiba na ang sitwasyon noon at ngayon
dahil wala nang giyerang humahati sa bansa.
Gayunpaman, ipinagtataka ng Punong Mahistrado kung bakit ang kahirapan
at kaguluhan na namamayani noon ay nararamdaman pa rin ngayon.
Inisa-isa ni Puno ang mga suliraning hinaharap ng mga Filipino
hanggang sa kasalukuyan kabilang ang pagkagutom ng mga mahihirap na
mamamayan at kawalan ng sariling bahay na matitirhan.
“We are no longer at a time of war when food supply was scarce, but
many of our people continue to wage a battle against hunger. We no
longer hear the drone of planes dropping bombs that explode and wreck
villages, but many of our countrymen continue to struggle for land and
homes,” ani Puno.
Pinitik din ni Puno ang nawawalang tiwala ng mga mamamayan sa mga
namumuno sa bansa na nagbubunga naman ng kawalan ng interes ng mga
Pinoy para makiisa sa mga aktibidad ng gobyerno.
“We no longer have a government that rules under the command of
Occupant forces, but a large segment of the governed continue to
distrust their leaders,” dagdag niya.
Sa huli ay pinaalala ni Puno ang kabayanihan ni Laurel na nagsumikap
para maipagkaloob ang katarungan sa mga Filipino para maibsan ang
kahirapang nararanasan ng mga ito.
|