EDITORIAL
Pardon

Iginawad na nga kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang executive clemency kay dating Pangulong Joseph Estrada. Pangunahing konsiderasyon sa desisyon, base sa binasang kautusan ng Pangulo, ay ang edad ni Estrada at ang mahigit anim na taong pagkakabilanggo na nito.

Tulad ng ibinabang guilty verdict noon ng Sandiganbayan sa plunder case ni Estrada, may natuwa at may nainis sa paggagawad ng pardon sa dating pangulo.

Syempre, ang mga loyalistang supporters ni Estrada na tinatawag na masang Pinoy ay natutuwa at makakalaya na ang kanilang lider. Pero para sa mga humihingi ng katarungan sa kasalanan ng pinatalsik na lider sa bayan, isang lantarang paglalaro sa justice system sa Pilipinas ang aksyon ni Arroyo. Muli ay inilutang ng mga kontra pardon ang pagiging ‘unfair’ ng hustisya sa ‘malalaking tao’ at ordinaryong mga convicts. Dahil nga dating pangulo, iba ang konsiderasyon at mabilis ang pagpapatawad.

Kunsabagay ay inaasahan naman na mayroong dalawang magkaibang reaksyon anuman ang maging desisyon ng Pangulo sa hininging pardon ni Estrada.

Ngunit base na rin sa nakakaraming opinyon, kung saan pati ang Simbahang Katoliko at business sector ay nakiayon, tama at marapat nga raw na ilapat na ang pardon kay Estrada.

Kahit nga naman sa mga ordinaryong preso, kapag tumuntong na sa katandaan ay agad ding ikinukonsidera ang pagkakaloob dito ng pardon.

At isa pang malaking konsiderasyon din marahil ay itong patuloy na pagsama ng kondisyon ng ina ng dating pangulo na si Doña Mary Ejercito. Tayong mga Pinoy ay sadyang malambot ang puso sa ina, lalo na sa inang maysakit. Kung humanitarian consideration ang pinag-ugatan ng isang pardon, sa tingin namin ay bihira ang kokontra. Kaya nga lamang ay naikukumpara ito sa kaso ng mga ordinaryong convicts. Kumbaga, nagkakaroon ng double standard porke’t ex-president itong si Estrada.

Sa huli, nahihiling lang namin na sana ay makatulong sa pagtatag ng sitwasyon ng bansa ang pardon na ito kay Estrada. Ang tanging hangad lang naman natin ay ang pangkalahatang kabutihan ng Pilipinas at ng buong sambayanan. Kung mas makakabuti ang pardon hindi lang kay Estrada kundi sa epekto nito sa ating kapayapaan at katatagan, nakasuporta kami rito.

Ang tanong lang na naglalaro sa aming isipan: ano naman kaya ang intensyon ng naggawad ng pardon na si Pangulong Arroyo? Ito ba’y pagtatanim ng utang na loob bilang paghahanda sa nalalapit niyang pagbaba sa puwesto? Dahil ba sa nais din niyang tratuhin nang tulad ni Estrada oras na matulad siya sa kapalaran ng huli?

<BACK