|
Suhulan,
kalakaran sa gobyerno--Lozada
Dati nang
sinasabi ni dating pangulong Joseph Estrada na
20 percent ang kickback o suhol sa bawat
proyekto ng gobyerno.
Ngayon,
pinatotohanan ito ng star witness ng Senado na
si Rodolfo "Jun" Lozada Jr.
Sa ZTE deal nga
daw, halos kalahati ang diumano’y kickback kaysa
tunay na halaga ng proyekto
Ayon kay Lozada,
US$130-million o halos P6.5 billion ang
hinihinging komisyon ni dating Commission on
Elections chairman Benjamin Abalos sa proyektong
nagkakahalaga ng US$329 million o P16 billion.
Nang tanungin
siya kung ano pa ang alam niyang proyekto
diumano’y maanomalya, binanggit niya ang
Southrail project na nagkakahalaga ng US$932
million o P23 billion.
Triple halos ng
halaga ng naunsyaming ZTE deal.
“Katulad po
nitong sa Southrail, mga 22%, moderate,” sabi ni
Lozada.
Tulad ng ZTE,
uutangin ang pondo sa Export-Import Bank of
China.
Sabi ni Lozada
na naging consultant ng proyekto, overprized ito
ng US$70 million o halos P1.75 billion.
Dagdag ni
Lozada, matagal na itong kalakaran sa gobyerno
at sinisisi niya ito sa magulong sistema ng
pangongontrata ng proyekto ng mga gobyerno.
"Institutionally, the procurement system of
government doesn’t really work because they are
being decided by people like us. Ang nakikita ko
po dysfunction the due process of procurement is
primarily geared towards tailoring the process
to the sponsor," paliwanag ni Lozada.
Kinumpirma ng
Makati Business Club ang kultura ng kickback sa
mga proyekto ng gobyerno.
“Hindi lang
malaki iyung bribe, hindi kailangan iyung
project. Kaya iyung buong project mawawaldas,”
sabi ni Bertie Lim, executive director ng Makati
Business Club.
Dagdag pa ni
Lim, sapul ang masa dahil imbes na sa kanila, sa
katiwalian napupunta ang pera.
"Iyong mga
basic services na para sa mga mahihirap, mga
maralita. Sila ang napuwepuwera. Dapat sila ang
nangunguna sa budget natin," sabi ni Lim.
Itinanggi naman
ng Malacañang na kasama sa patakaran ng
pamahalaan ang 20 percent kickback.
Pursigido pa
nga raw si Pangulong Arroyo na tuluyang linisin
ang katiwalian sa gobyerno. |